Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Saturday, September 11, 2010

Tagalog Untitled 1.1

Sana alam ko ang sinasabi ng mga mata mo. Sa bawat pagtawa mo, nagpipinta naman ng kalungkutan ang mga ito. Waring nagsasabi na hindi mo ito gustong mangyari. Hindi mo gustong mawalay ako sa'yo. Sana makita kong muli ang bakas ng kasiyahan sa mga mata mo, lalo na 'pag tinititigan mo ako. Ngunit nawala na ang lahat nang 'yon. Hinayaan mong poot ang maghari sa puso mo. Sana alam ko ang sinasabi ng mga mata mo. Sana hindi ko na lang dito nakikita ang lahat ng kahinaan ko. Gaano ko man ito gustong malaman, hindi pa rin kita huhusgahan. 'Di tulad ng panghuhusgang ginawa mo sa'kin nang ako'y iyong pinakawalan.

Tagalog Untitled 1.2

Hindi na kasabay ng pag-ulan ang mga luha. Parang nawawala. Tulad ng pagkawala mo, nung gabing tinalikuran mo ako at hindi na bumalik upang malaman man lang kung gaano ito kasakit. At sa bawat pagpatak ng ulan, parang lalo ka lamang inilalayo sa'kin ng oras. Sa bawat yabag ng paa mo, lalo mo lamang sinasabi na hindi ka na babalik... kahit kailan. Paano kaya kung sinundan ko ang mga mata mo? Paano kaya kung sumabay ako sa pagbuhos ng ulan at mag-makaawang bumalik sa'yo? Wala pa rin namang magbabago, dahil nag-iba na ang pintig ng puso mo.