Dito lang sa Baguio may abortion at pregnancy stairs. Dito lang may upper, lower at lowest canteen. Dito lang sobrang tutok sa mga estudyante at sobrang inaalagaan ang freshmen. At sobrang liit ng campus. Kahit saan yatang building ako pumunta, may makakasalubong ako na kakilala ko. At ‘pag tumayo ako sa pinakamataas na parte ng campus, matatanaw ko na ang buong UP Baguio. Marami pang maganda sa Baguio kahit alam kong marami pa rin akong hindi pa napupuntahan. At masaya dahil hindi na ako naiirita sa kainitan hindi tulad 'pag bumababa ako. At dahil kaunti lang kami, para kaming isang malaking pamilya. Mainit ang pagtanggap, dahil halos lahat naman sa'min ay nakakaranas ng pagiging homesick.
Dito lang din sa UP namulat ang aking mga mata. Nagsimula 'yon nung hinila ako ng matalik kong kaibigan sa Outcrop Office. Sumali kaagad ako dahil dati naman akong Associate Editor sa newspaper namin noong high school. At pagkatapos, ang TABAK Baguio (Tanghalang Bayan ng Kabataan sa Baguio) naman ang sinalihan ko. Ang pagtatanghal talaga ang una kong pag-ibig. Pero akala ko ganoon lang kadali iyon. Magsusulat at magtatanghal. Ngunit imposible, dahil lahat yata ng pagsusulat at pagtatanghal nila ay may ibig sabihin, lahat ay may pinag-aalayan. Dito nabuo ang pagmamahal ko sa bayan. Ang pagkakaroon ko ng pakialam sa mga bagay.
Sabi ko pa noon sa TABAK, hindi ko nakikita ang sarili ko na aktibista kahit sa mga susunod pang panahon. At hindi pa rin naman ako aktibista hanggang ngayon. Siguro dahil iyon sa wala akong pakialam kung ano ang pagiging aktibista. Basta ang alam ko, nagsusulat ako para sa mga mag-aaral na masyado nang naghihirap dahil sa TOFI, at para sa mga kaibigan kong pumasa ngunit hindi tumuloy sa UP dahil sa sobrang taas na tuition fee. Nagtatanghal ako para sa mga magsasaka at sa mga taong nagbabayad ng buwis na ginagamit pampa-aral sa mga Iskolar ng Bayan ngunit sarili nilang pamilya ay hindi nila mapag-aral.
Marami pa akong natutunan tungkol sa Pilipinas. Nakikita ko na rin ang mga tunay na problema ng bansa at kung gaano tayo kalugmok sa mga problemang iyon. At nasasaktan rin akong panoorin ang lipunan kung saan may nakatataas at kung saan may naghihirap. Kung dati, malaking isyu na sa akin ang pagtingin ng mga tao sa iba't ibang UP campuses, ngayon ay nabubulagan na ako kung sakaling pagtutuunan ko pa ng pansin 'yon. Tapos kada pag-akyat at pagbaba ko pa sa Baguio, nakikita ko ang mga lupain na sinasaka. 'Di ko mapigilang isipin na maswerte na ako. Pero hindi 'yon nagtatapos doon. Hindi pwedeng wala akong pakialam at wala akong gagawin.
Gusto ko nang tumigil mag-isip sa mga bagay na hindi tama. Hindi tama na hindi binibigay ang dapat na subsidy ng gobyerno sa edukasyon ng mga Pilipino, mapa-high school o elementary man. Hindi tama na maraming hindi nakakapag-aral sa UP dahil sa kakulangan sa pera. Hindi tama na may mga naghahari at nagdurusa sa lipunan. Hindi tama na halos wala nang sariling kultura ang Pilipinas. At hindi tama na maraming Pilipino ang walang pakialam.
Ngunit sa kabila ng lahat ng kamalian na mayroon sa bansang sinilangan ko, isa akong UPian. Hindi lang basta may alam, kundi may pakialam. Kahit pa ilipat ako ng ibang eskwelahan o kahit pa makapagtapos na ako, alam kong simula nang mapunta ako sa Unibersidad ng Pilipinas, ang buhay ko ay nakatakdang ialay para suklian ang hirap at pagod ng mga Pilipino para lang ako'y maging Iskolar ng Bayan.
The University of the Philippines is a university of the people, by the people, and for the people.
The symbol of the Oblation is sacrifice. The sacrifice of one's self for the country.
No comments:
Post a Comment
Tell me what you think! :)